Talambuhay ni Febby

This is a school requirement and I want to share it all to you fellow bloggers so you could know more about me. It’s in Filipino though.

Enjoy. 😛

“Binibining Phoebe Anne Valerio.”

Madami nang tinawag sa akin, at laging sa apelyido lang sila tumatama. Mayroong Phoebe, Febby, at Pebay. Madali lang naman i-ispel ang pangalan ko, madali lang din bigkasin, ewan ko ba kung bakit pa nila pinahihirapan sarili nila.

Ako si Feby Ann Buan Valerio. Maaari mong basahin ang pangalan ko ng Fe-bi. Hindi ba’t ang dali?

Minsan, nagtanong ako sa isang social network kung paano magandang simulan ang talambuhay ko, sabi ng isa’y ganito ko daw simulan, “Noong taong 1995, isinilang ang isang napakagandang sanggol, mistula’y isang dyosa.” Ilalagay ko sana kaso may kahihiyan padin akong taglay.

Kung kaya’t gagawin ko ito sa paraang alam ko.

 

Unang Yugto: Pagsilang at Pagkabata

Isinilang ako sa Pampanga Provincial Hospital sa Guagua, Pampanga sa ganap na 7:30 ng gabi noong ika-3 ng Abril taong 1995. Ito’y ayon sa birth certificate ko na ngayon ko lang nakita. Wala akong kasabay sa paglaki sa tyan ng Mama ko na si Bella Valerio at ako ang unang anak nila ng Papa ko na si Fernando Valerio. Sa pagkaka-alam ko’y wala ang aking Papa noong mga panahong ipinapanganak ako dahil siya’y nagtatrabaho bilang isang OFW.

Lumaki ako sa bayan kung saan lumaki ang aking ina, sa Pampanga. Marami akong kalaro doon dahil na din sa napakarami kong pinsan. Tumira kami ng Mama ko sa bahay ng lolo ko dahil nga nasa ibang bansa si Papa. Nanirahan kami doon hanggang sa naging limang taong gulang ako. Doon nadin ako nag-Kinder sa Methodist Church namin. Doon nadin ako nagkaroon ng kapatid.

 

Ikalawang Yugto: Pag-aaral

            Lumipat na kami sa Bataan noong elementarya ako. Yun kasi ang gusto ni Papa. Medyo mahirap maki-bagay noon dahil nasanay na ako sa kultura ng mga Kapampangan. Minsan nga’y sumagot daw ako ng “Malagu” sa eskwela imbes na “Maganda” ang sabihin ko.

            Sa sobrang hirap maki-bagay noon ay hiniling ko kay Mama na bumalik nalang kami sa Pampanga. Pero syempre, di siya pumayag, kasi magagalit si Papa.

            Natuto akong maki-bagay at natapos ko ang elementarya ng may medalya, ikalawang karangalan. May taglay naman kasi akong konting katalinuhan at konting kasipagan para matanggap ang karangalan na yun.

            Pumasok ako sa Bataan National High School para sa sekondarya. Medyo may kalayuan sa aming bahay at kailangang sumakay pa ng Jeep bago makarating sa BNHS. Kabado ako noon dahil di ako marunong sumakay ng Jeep mag-isa. Buti nalang at may kasabay ako sa mga kapitbahay namin.

            Naging mahirap ang sekondarya para sa akin. Kinailangan ko ulit maki-bagay dahil puro taga-Balanga na ang mga nakakasalamuha ko. Madaming mas matalino, mas maganda, at lahat ng mas keysa sa akin. Kaya siguro nawalan ako ng tiwala sa aking sarili.

            Di ako nakakuha ng kahit anumang karangalan noong nasa sekondarya ako ngunit nagkaroon naman ako ng napakaraming kaibigan. Walang anumang medalya ang makakatumbas sa mga kaibigang nakilala ko sa BNHS.

            Sa kasalukuyan, nag-aaral ako sa Bataan Peninsula State University – Main Campus sa kursong BS Mechanical Engineering. Di ako pinayagan mag-Maynila ni Papa kaya sa Bataan nadin ako nag-aral. Noong una’y nagrereklamo ako ngunit ngayon ay masaya na ako dahil di ako napapalayo sa pamilya ko at kahit papaano’y malayo ako sa krimen at disgrasya.

            May kahirapan ang kolehiyo, pero sana kayanin ko.

 

Ikatlong Yugto: Pangarap

            Pangarap? Noong bata ako ang pangarap ko ay maging isang Teacher. Nung nasa sekondarya naman ako ang pangarap ko ay maging isang Linguist. Di ko nga alam kung bakit ako kumuha ng Engineering eh. Gusto ko lang sigurong yumaman. Nakikita ko kasi ang paghihirap ng pamilya ko, ng Papa ko, sa pagtatrabaho, kaya gusto ko silang matulungan.

            Ang gusto ko lang ngayon ay makatapos ng pag-aaral, magkaroon ng disenteng trabaho at mapa-aral ang kapaitd ko sa kahit anong eskwelahang gusto niya. Magiging masaya na siguro ako kapag nagawa ko ang mga bagay na yun.

 

            At ito ang talambuhay ko, “ang napakagandang sanggol na isinilang noong taong 1995 na mistula’y isang dyosa.”

Advertisements

3 thoughts on “Talambuhay ni Febby

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s